-- Advertisements --

Maghahain si Senadora Loren Legarda ng panukalang Bayanihan Power to the People Act o Bayanihan 3 Law upang maglatag ng mas malinaw at koordinadong tugon ang pamahalaan sa lumalalang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.

Ayon kay Legarda, bagama’t naglabas na ang pamahalaan ng Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng national energy emergency, kulang pa rin ito sa konkretong tulong para sa mga mamamayan.

Binigyang-diin ni Legarda na hindi sapat ang price control bilang pangmatagalang solusyon. Aniya, dapat umano mayroong  isang pinag-ugnay, detalyado, at epektibong plano ang pamahalaan na nagbibigay ng proteksyon at ginhawa sa harap ng pandaigdigang krisis na ito

Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyan ang ehekutibo ng mas malinaw na kapangyarihan upang pamunuan ang pagtugon sa krisis, kabilang ang ,pansamantalang tax relief measures tulad ng posibleng VAT exemption sa pangunahing bilihin at serbisyo, emergency revenue measures gaya ng mas mataas na buwis sa luxury at sin goods, at posibilidad ng pagpataw ng wealth tax upang pondohan ang mga programa ng gobyerno.

Layunin din ng panukala na pabilisin ang paglipat ng bansa sa mas sustainable na energy sources, kabilang ang renewable energy, energy efficiency, at alternatibong transportasyon tulad ng electric vehicles.

Giit ni Legarda, dapat gawing pagkakataon ang kasalukuyang krisis upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported fuel—isang matagal nang suliranin na naglalantad sa Pilipinas sa pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.

Ang draft ng Bayanihan 3 Law ay nakabatay sa mga natuklasan mula sa mga pagdinig ng PROTECT Ad Hoc Committee, na layong bumuo ng mas epektibong balangkas para sa relief, recovery, at pangmatagalang crisis management.