-- Advertisements --

Wala mang binabantayang bagyo, binalaan ng State Weather Bureau ang publiko sa posibleng banta ng flash floods at landslides sa malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes Santo dulot ng easterlies at localized thunderstorms.

Batay sa pinakabagong ulat ng state weather bureau, walang namomonitor na Low Pressure Area (LPA) sa loob ng bansa na maaaring maging ganap na bagyo.

Gayunpaman, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang panaka-nakang pag-ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), at Cagayan Valley bunsod ng epekto ng localized thunderstorms.

Apektado naman ng easterlies ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Pilipinas, na magdadala rin ng katulad na lagay ng panahon kung saan asahan ang mga biglaang pagbuhos ng ulan at pagkidlat-pagkulog.

Dahil dito, naglabas ng babala ang ahensya sa mga residente, lalo na sa mga mabababa at bulubunduking lugar, na maging alerto sa posibilidad na magkaroon ng flash floods o landslides sa tuwing makararanas ng malalakas at matinding severe thunderstorms.

Samantala, mahina hanggang sa katamtamang hangin na nagmumula sa silangan hanggang timog-silangan ang iiral sa Northern Luzon. Sa natitirang bahagi ng bansa, ang ihip ng hangin ay magmumula naman sa hilagang-silangan hanggang silangan.

Magiging banayad hanggang sa katamtaman ang alon sa lahat ng mga baybaying dagat sa buong kapuluan, kaya walang nakataas na gale warning at ligtas na makakapalaot ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.