Inanunsyo ng Pakistan na magiging libre para sa publiko ang state-run public transport ng kabisera ng Islamabad at sa pinakamataong probinsya ng bansa sa loob ng isang buwan, matapos sumirit ang presyo ng gasolina sa bansa kasunod ng digmaan sa Middle East.
Ang hakbang ay kasunod nang isinagawang protesta sa bansa at naitalang mahahabang pila ng mga motorista sa mga gasolinahan matapos pumalo sa 42.7 porsyento na pagtaas ang presyo ng petrolyo sa 485 rupees (US$1.74) kada litro.
Nangako naman si Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif, na kanyang ibababa ang presyo at itatakda ito sa 378 rupees kada litro.
“This decrease will be applicable for at least one month,” ani Sharif national televised address. “I promise I will not rest until your life is back to normal.”
Sa kabilang banda mananatili naman ang presyo ng diesel ng bansa sa 520 rupees kada litro matapos ang 54.9-porsyentong pagtaas.
Ayon kay Interior Minister Mohsin Naqvi, magsisimula ang libreng transportasyon sa susunod na araw (Sabado), kung saan gagastos ang pamahalaan ng 350 million rupees.
Bukod sa libreng sakay nagpatupad rin ng libreng “targeted subsidies” para sa mga truck at bus ang chief minister ng Punjab, habang hinikayat ni Maryam Nawaz Sharif ang mga operator na huwag ipasa sa pasahero ang karagdagang gastos.
Sa Sindh, ipinatupad naman ang katulad na subsidiya para sa mga motorista at maliliit na magsasaka sa Karachi.
Kasabay ng isang buwang kaguluhan sa Middle East nagpatupad ng austerity measures ang Pakistan kabilang ang pagpapalipat ng ilang government offices sa apat na araw na workweek, pagpapahaba ng school holidays, at pagpapatupad ng online class.
Ayon sa World Bank, humigit-kumulang 25 porsyento ng 240 milyong populasyon ng Pakistan ay nabubuhay sa kahirapan.
Samantala naitala pa sa iba pang bansa sa Asya ang mataas na presyo ng enerhiya, kabilang ang Bangladesh, na nagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas at compressed natural gas ng 29 porsyento noong Huwebes.
















