-- Advertisements --

Mahigit sa 2.9 million ang kabuuan ng mga bagong botante ang nakapagrehistro na matapos magsara noong July 23, ang last day ng voter registration.

Iniulat ni acting Commission on Elections (Comelec) spokesperson Atty. Rex Laudiangco na batay sa latest data, nasa kabuuang 2,936,979 ang mga new registrants.

Sa naturang bilang umaabot sa 1,814,907 ang mga bagong botante na nadagdag mula sa pagitan ng edad 15-anyos hanggang 17-anyos; nasa 963,418 ang mga edad 18-anyos hanggang 30-anyos; at may 158,654 ang mga nakahabol na mga bagong botante na nasa edad 31-anyos pataas.

Sinabi pa ni Laudiangco umaabot naman daw sa 518,488 barangay at 4,474 Sangguniang Kabataan (SK) applications para sa transfer mula sa ilang syudad o munisipyo ang natatanggap ng Comelec.

Meron namang total ng 3,900,250 applications ang naproseso kabilang na ang reactivation, pagpapalit ng pangalan, reinstatement sa list of voters, at transfer ng overseas voting patungo sa local.

Kaugnay nito, tinatawag pa ng Comelec na record-breaking ang pagtatapos ng 18 araw na voter’s registration na naganap sa ikalawang pagkakataon sa loob ng pandemya.

Ang sangguniang kabataan at barangay elections ay itinakda sa December 5.