-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot sa 2,872 na pamilya ang naapektuhan ng pagbaha sa anim na barangay sa San Manuel, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Rodrigo Acuña, Rescue Chief ng MDRRMO San Manuel na inilikas ang naturang mga pamilya ngunit dahil sa unti-unting paghupa ng tubig baha ay bumalik na rin sila sa kanilang mga tahanan.

Inihayag pa niya na nagsagawa na rin sila katuwang ang DSWD, PNP at BFP ng relief operations sa mga apektadong pamilya.

Nakaranas ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan ang bayan ng San Manuel na nagsanhi ng pagbaha sa kanilang bayan pangunahin na sa kanilang national highway.

Umapaw din ang tubig sa irrigation main canal na nagdagdag sa mga tubig na bumaha sa bayan ng San Manuel.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jennelyn Tejero, sinabi niya na nagsimula ng alas syete noong gabi ng Sabado ang pag-ulan at nang matutulog na sila ay narinig na lamang nila ang kanilang mga kapit-bahay na nagsisigawan dahil sa baha.

Nagulat na lamang sila dahil sa sobrang bilis ng pagtaas ng tubig na umabot pa sa dibdib pangunahin na sa Brgy. District 1.

Ang nakikita nilang dahilan ay ang paggawa sa mga daan kung saan ang lupa na hinukay ang maaaring nagsanhi ng pagbara sa mga drainage canal maliban pa sa mga basura.

Wala silang naisalba sa kanilang mga kagamitan dahil hindi rin nila inasahan ang mabilis na pagtaas ng tubig.

Hindi rin sila kaagad na nakalikas dahil madilim na at gabi ito nangyari.

Alas nuebe trenta ng gabi ng Sabado nang sila ay lumikas ngunit nagpalipat-lipat din sila ng pwesto dahil maging ang evacuation center ay binaha rin.

Batay sa inilabas na abiso ng NIA MARIIS, dahil sa halos tatlong oras na malakas na buhos ng ulan sa mga bayan ng San Manuel, Aurora at halos dalawang oras sa Roxas noong Sabado ay umapaw ang mga irigasyon na nakaapekto sa upstream ng North Diversion Canal ng NIA-MARIIS.

Dahil dito ipinakalat na ng NIA ang kanilang mga kagamitan upang tumulong sa LGU na linisin ang mga kanal para sa mas mabilis na pagbaba ng antas ng tubig sa mga binahang lugar.