-- Advertisements --
image 105

Halos 24% ng lahat ng Subscriber Identity Module (SIM) card user sa buong bansa ay nakarehistro na sa kani-kanilang public telecommunications entities (PTEs) 51 araw na lamang ang nalalabi bago ang itinakdang deadline sa Abril 26 ngayong taon.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na may kabuuang 40,498,324 SIM ang nairehistro noong araw ng Linggo, Marso 5, katumbas ng 23.97% ng mahigit 168.9 million subscribers sa buong bansa.

Ang pinakahuling bilang ay pinagsama-sama mula sa data na iniulat ng lokal na telecommunications company.

Kaugnay nito hinihikayat ni DICT Undersecretary at spokesperson Anna Mae Lamentillo ang mga subscriber at end-user ng mga lokal na PTE na magparehistro dahil malapit na ang deadline upang maiwasan ang traffic ng user at para masigurong hindi maging hassle ang proseso.

Una rito, binigyan ang mga user ng 180 araw o hanggang Abril 26, 2023 para irehistro ang kanilang mga SIM card dahil kung hindi ma-dedeactivate ang mga ito.

Ang mga implementing rules and regulations ng SIM Card Registration Act ay nagkabisa noong Disyembre 27, matapos ang panukala ay nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Oktubre ng nakalipas na taon.