CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska ng mga otoridad mula National Bureau of Investigation ,Food and Drugs Administration, Department of Trade and Industry at City Regulatory Complaint Board ang nasa higit 200 overpriced portable thermal scanners mula sa isang medical supplies store sa Barangay Gusa,Cagayan de Oro City.

Kinilala ni FDA-Northern Mindanao officer Tonette Melgo ang may-ari ng mga kontrabando na si Lorna Chong na di-umano’y nabigong magpakita ng mga dokumenta na magpapatunay na legal ang pagbebenta nito ng scanners.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Melgo na binigyan nila hanggang bukas si Chiong na ipakita ang license to operate ng negosyo at rehistro ng mga hawak na produkto upang hindi mahaharap ng mga kasong kriminal.

Inihayag ng opisyal na mula sa presyong P300 ay ibinebenta ng Life Corps Medcare ng P9,500 bawat scanner.

Iginiit ng FDA na dahil sa kinaharap na Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic ay ipinatupad ang prize freeze sa mga pangunahing bilihin.

Samantala, pinilit naman ni Chiong na legal ang kanilang pagbebenta at nagmula pa sa Cebu City ang supplier ng mga thermal scanners.

Hindi rin umano sila lumabag sa kautusan ng gobyerno salungat sa akusasyon ng raiding teams.

Tahasan ring iginiit ng negosyante na ang nasabing scanners ay order umano ng city government ng Cagayan de Oro.

Nagawa pang magbanggit ng suspek ng ilang pangalan mula sa logistics department ng lokal na pamahalaan.