-- Advertisements --

May kabuuang 189 driving school (DS) applicants ang nabigyan ng Provisional Permit o Certificates of Accreditation noong 2022 sa kabila ng pagsusumite ng hindi kumpleto o di-wastong documentary requirements at mga kakulangan sa mga kinakailangang pasilidad at kagamitan, ayon sa Commission on Audit (COA).

Sa Annual Audit Report (AAR), sinabi ng COA na ang mga driving schools sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) sa Cordillera Administrative Region (CAR), at Land Transportation Office (LTO) sa National Capital Region at Regions III, V , IX, at XII ay gumawa ng ilang mga pagkukulang laban sa Memorandum Circular No. 2021-2284 o ang Revised Rules and Regulations on the Accreditation, Supervision, and Control of Driving Institutions.

Sinabi nito na ang Section 9, 10, at 11 ng Memorandum Circular No. 2021-2284 ay nag-aakda para sa mga kinakailangan sa dokumento, mga pasilidad at kagamitan, at mga sasakyan ng mga driving schools.

Gayunpaman, sinabi ng COA na sa 285 driving school applicants, 189 o 66.2 percent ang hindi fully compliant ngunit inaprubahan pa rin ng Regional Accreditation Committees (RACs).

Sa ulat ng pag-audit nito, hiniling ng COA sa LTO na atasan ang mga aplikante ng driving schools na may mga issue at kakulangan sa mga minimum na kinakailangan na magsumite mga kinakailangang dokumento, magsumite ng na-update na bank certificate sa ilalim ng pangalan ng korporasyon para sa verification at sumunod sa rules and regulation ng COA at mga kinauukulan.

Iginiit ng COA na dapat magpataw ang LTO ng mga kinakailangang sanction at penalties para sa mga driving schools na hindi sumusunod sa batas.