VIGAN CITY – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng mga otoridad sa Burgos, Ilocos Sur, kaugnay sa nangyaring aksidente sa nasabing bayan partikular na sa Barangay Lubing.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay Police Captain Daniel Burgos, hepe ng Burgos Municipal Police Station, pinaniniwalaang nanggaling sa lalawigan ng Abra ang pampasaherong jeep na sinasakyan ng halos 20 katao kasama na ang driver nito at papunta sana sa bayan ng Sta. Maria.
Base sa inisyal na imbestigasyon, pababa umano ang jeep sa pakurbang bahagi ng kalsada nang mayroong mag-overtake rito at hindi na nakontrol ng driver ang manibela.
Dahil dito, napilitan ang driver na ibangga na lamang sa puno ng narra na nasa gilid ng kalsada ang jeep na dahilan kung bakit tumilapon palabas ng sasakyan ang mga pasahero nito.
Nagtamo ng minor injury sa katawan ang mga pasahero kasama na ang driver, ngunit napuruhan at nagtamo ng fracture sa katawan ang mag-inang pasahero na agad namang itinakbo sa Ilocos Sur District Hospital – Narvacan, Ilocos Sur.
Sa ngayon, inaaalam pa ng pulisya kung sino ang driver ng jeep at kung sinu-sino ang mga pasahero nito.