-- Advertisements --

ILOILO CITY – Inirerekomenda ni Police Regional Office-6 Director Police Brigadier General Rene Pamuspusan sa Philippine Nationa Police (PNP) headquarters na isailalim sa retraining ang 19 na pulis ng Pototan Municipal Police Station.

Sa ekslusibong Panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pamuspusan, sinabi nito na isang drastic action ang pagsasailalim ng mga pulis sa re-training sa Subic dahil sa insidente kung saan nahuli ang dalawang pulis na umiinom habang nasa duty habang ang isa ay nagpaputok pa ng armas noong Hulyo 18.

Naniniwala si Pamuspusan na ang 45 days na values and leadership training ay makakapagbigay ng reyalisasyon sa mga kapulisan ng kanilang responsibilidad kasama na ang disiplina at pagtiyak na sinusunod ang polisiya ng PNP headquarters.

Una rito, noong pinagsabihan ni Police Major Ronnie Brillo, hepe ng Pototan Municipal Police Station, ang mga naglalasing na pulis na sina Patrolman Joerick Ace Ilisan at Corporal Esil Peñarubia, nagalit pa ang mga ito ay nagbantang papatayin ang kanilang hepe.

Sa ngayon, sinampahan na ni Brillio ng patong-patong na kaso sa National Police Commission ang dalawang pulis.