-- Advertisements --

Hanggang ngayong araw mismo ng Pasko ay patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga insidenteng naitatala ng Pambansang Pulisya sa bansa na may kaugnay sa Ligtas Paskuhan 2023.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, mula noong Disyembre 16 hanggang ngayong araw ay umakyat na sa 19 ang kabuuang bilang mga insidenteng naitatalang ng kapulisan ngayong Holiday Season.

Kinabibilangan ito ng anim na insidente ng illegal discharge of firearms, pitong illegal possession/use/sale of firecrackers, limang firecrackers related injuries, at isang sunog na dahil sa paputok.

Sa naturang mga insidenteng ito ay nasa walong mga indibidwal ang arestado ngayon ng kapulisan, dalawa ang nasawi, habang 11 ang sugatan.

Samantala, sa kabila nito ay binigyang-diin naman ng PNP ang malaking porsiyentong ibinaba ng crime rate sa bansa nitong bisperas ng Pasko, Disyembre 24, 2023 kung saan aabot lamang sa 34 na focus crimes ang naitala ng mga otoridad na may katumbas na 66.34% na mas mas mababa naman kumpara sa 101 crime rate na una nang naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

Gayunpaman ay nilinaw ni PCol. Fajardo na nananatili pa ring generally peaceful ang pangkalahatang sitwasyon sa buong bansa ngayong ipinagdiriwang ng ating mga kababayan ang Kapaskuhan.