May kabuuang 16,888 katao o 4,554 na pamilya ang naapektuhan na ng Super Typhoon Egay at Southwest Monsoon sa 28 barangay sa Ilocos, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, at Northern Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa apektadong populasyon, 38 indibidwal o 16 na pamilya ang nananatili sa tatlong evacuation centers, habang 62 katao o 12 pamilya ang nasa ibang lugar.
Ayon sa ahensya, isang tao ang naiulat na nasugatan sa Western Visayas.
Walong landslides, limang soil erosion, at apat na insidente ng pagbaha ang naiulat sa Calabarzon, Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas.
May kabuuang 11 road sections at isang tulay ang hindi na maaaring madaanan.
Sinabi ng NDRRMC na naranasan ang pagkawala ng kuryente sa isang lugar sa Bicol at problema sa supply ng tubig sa ibang lugar sa parehong rehiyon.
Sa kabilang banda, may kabuuang anim na domestic flights ang nakansela sa Ilocos, Bicol, at Metro Manila.
Nasa 70 daungan din ang nagsuspinde ng operasyon sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas.
Ang pinsala sa imprastraktura na nagkakahalaga ng P1.5 milyon ay naiulat sa Western Visayas.
Una na rito, naibigay na ng NDRRMC ang tulong na nagkakahalaga ng P305,000 sa mga biktima.