May nakalap na bagong impormasyon ang mga health experts ng World Health Organization (WHO) na nasa Wuhan, China hinggil sa mas malawak na epekto ng COVID-19 outbreak noong Disyembre 2019.
Ayon kay Peter Ben Embarek, lead investigator sa nasabing misyon, nakakita umano sila ng ilang senyales na magpapatunay na halos isang dosenanang strain na ng COVID-19 ang mayroon noong 2019 subalit ngayon lang natutuklasan ng mga eksperto.
Nagkaroon din aniya ng pagkakataon ang mga ito na makausap ang pinakaunang pasyente ng China na dinapuan ng nakamamatay na virus. Ang naturang pasyente ay 40-anyos, walang travel history at nagpositibo sa COVID-19 noong Disyembre 8, 2019.
Ikinababahala ngayon ng mga scientists na dahil sa mabagal na data gathering ng mga health experts na nasa China ay posibleng mas kumalat pa ang strains ng nakamamatay na virus.
Dagdag pa nito na may iprinisenta ang Chinese scientists na may 174 kaso ng coronavirus sa Wuhan at mga karatig na probinsya noong December 2019. Ang 100 dito ay nakumpirma sa pamamagitan ng laboratory test, habang ang 74 naman ay sa pamamagitan ng clinical diagnosis sa nararamdamang sintomas ng mga pasyente.