-- Advertisements --
OIL SPILL 2

Halos isang daang libong residente ng Oriental Mindoro ang apektado ngayon ng oil spill mula sa motor tanker na lumubog ilang linggo na ang nakakaraan.

Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na ang lumubog na MT Princess Empress na may dalang 800,000 litro ay nagkaroon ng epekto sa kabuhayan at pang-araw-araw na buhay ng mahigit 99,000 indibidwal o 19,900 na mga pamilya.

Aniya, maraming isda ang namatay, habang ang ilang seagrasses, corals, at mangrove ay naapektuhan na din dahil sa oil spill.

Dagdag ng gobernador, nasa 122 residente na sa lalawigan ang nagkasakit na dahil sa epekto ng tumagas na langis.

Ang ilan sa kanila ay may respiratory-related symptoms.

Nagpahayag si Gov. Dolor ng pag-asa na ang oil slick ay hindi na makakarating sa kanilang iba pang coastal barangays dahil 13 lamang sa 77 lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity ang may direct contact sa spill.

Dagdag dito, sabay-sabay na nagsagawa ng malawakang paglilinis ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro, partikular sa Naujan at Pola.

Una nang sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na hindi pa rin sila makapagbigay ng tiyak na timeline kung kailan matatapos ang paglilinis sa oil spill, ngunit binigyan sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng apat na buwang timeline.