KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang damage assessment ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa malawakang pinsala na iniwan ng pananalasa ng flash flood at buhawi sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Mayor Floro Gandam sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Gandam, lubos na naapektuhan ang nasa walong resorts at tourist attraction sa Sitio Lobo, Barangay Ned sa nabanggit na bayan.
Maging ang daan papunta sa nabanggit na lugar ay hindi passable sa ngayon dahil sa flash flood kung saan nakaantabay na rin ang heavy equipment upang maayos at maging passable na.
Napag-alaman na nasira ang malalaking concrete pipes na dinadaanan ng tubig sa Sitio Lobo kaya’t umapaw ang tubig-baha na nagdulot ng flash flood at naapektuhan ang mga residente sa lugar.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo sa isa sa mga apektadong resort owner ay sinabi nitong lampas tao ang tubig baha na kanilang naranasa kung saan inanod din ang dalawang cottage nila at kitchen o lutuan.
Nagpapasalamat na lamang si Isidro Sumagaysay Sr. na walang naanod na tao sa nangyaring flash flood na may dalang malakas na hangin.