CAUAYAN CITY – Nasamsam ng mga awtoridad ang iba’t- ibang klase ng baril sa pag-iingat ng isang magsasaka sa pagsisilbi ng search warrant sa Sta. Isabel Sur, City of Ilagan.
Ang suspek ay si Bernaldo Fenix, 44 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.
Hinalughog ng pinagsanib na puwersa ng City of Ilagan Police Station katuwang ang Provincial Explosives and Canine Unit ng IPPO ang bahay ni Fenix sa bisa ng Search warrant na ipinalabas ni Judge Andrew Barcena, RTC Second Judicial Region sa Lunsod ng Ilagan dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Ito ay nagbunga ng pagkasamsam ng isang Caliber 38 na baril na walang serial number na may tatlong bala; isang improvised shotgun na may tatlong bala; dalawang Caliber 22 na may markang Strella Parco na may serial number 952032 at 1450 RP; dalawang Caliber 22, isang caliber 45; anim na bala ng Caliber 22; apat na short magazine at dalawang pirasong long magazine; dalawang homemade shotgun barrel; 20 piraso ng steel tube na may iba’t ibang sukat; tig-iisang piraso ng plywood pattern ng shotgun at steel molder; at tig-dadalawang piraso ng electric drill at electric sander.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Virgillo Abellera Jr., hepe ng City of Ilagan Police Station na matagal nang gumagawa at nag-aayos ng mga baril ang pinaghihinalaan.
Inamin ni Fenix na iligal ang kanyang ginagawa kayat patago ang pagtanggap niya sa mga ipinapagawang baril ng kanyang mga kliyente na kadalasan ay mga kakilala rin niya.
Walang maipakita ang suspek na mga dokumento para sa mga baril at iba pang mga kagamitan gayundin wala ring permit para sa paggawa o pag-aayos ng mga baril.