Umabot na sa 977,036 public utility vehicle (PUV) drivers ang nabigyan ng tig-P5,000 cash relief assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang tulong sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga tsuper ng tricycle, jeepney, transport network vehicle services (TNVS), delivery drivers, at motorcycle taxi riders.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, sapat pa ang pondo ng ahensya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, na may humigit-kumulang P60 billion, upang ipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda.
Dagdag pa niya, naghahanda na rin ang DSWD para sa posibleng ikalawang bugso ng pamimigay ng cash aid, na planong idaan sa digital platforms tulad ng GCash at Maya upang mapabilis at maging mas maayos ang distribusyon.
Samantala, target ng ahensya na matapos ang unang round ng payout bago matapos ang Abril. Nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa Department of Health (DOH) at mga lokal na pamahalaan upang magtalaga ng medical teams sa payout sites, lalo na dahil sa matinding init ng panahon.
Inamin naman ng DSWD na may ilang isyung lumitaw sa mga nakaraang payout, kabilang ang mga hindi pa nakatanggap ng ayuda. Tiniyak ng ahensya na kanilang inaayos ang sistema upang matiyak na lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ay makakatanggap ng tulong.
Maglalabas pa ng karagdagang schedule para sa mga hindi pa nakakuha ng kanilang P5,000 ayuda, partikular ang mga motorcycle taxi at delivery riders. Pinapayuhan ang mga driver na bantayan ang opisyal na social media pages ng DSWD at LTFRB para sa iba pang updates.
















