Lalo pa umanong humina ang katumbas ng isang piso sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) dahil sa inflation rate at pagtaas ng mga consumer goods at mga services humina na rin ang purchasing power ng Philippine peso.
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa ang value ng P1 noong 2018 ay katumbas na lamang ngayon na 86 centavos.
Una nang ini-report ng PSA na ang inflation ay naitala sa 6.4% nitong nakalipas na buwan ng Hulyo.
Sinasabing ito na ang pinakamabilis mula October 2018 kung saan ang inflation ay na-record sa 6.9%, sa gitna rin ng pagtaas ng ilang presyo ng mga pagkain lalo na ng isda, karne at asukal, gayundin ang mga pamasahe hindi lang sa pampublikong mga sasakyan kundi sa karagatan at pamasahe sa eroplano.
Sinabi naman ng ilang mga ekonomista na lalong nagpahina sa piso ay ang paglakas naman ng dolyar na umabot sa 10 percent year on year o umabot na sa 8.4 percent mula ng magsimula ang taong 2022.