-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot na sa P23,626,526 ang halaga ng partially damage sa palay, mais at high value crops sa Region 2 bunsod ng pananalasa ng supertyphoon Karding.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na pangunahing naapektuhan ng supertyphoon Karding sa rehiyon ay ang lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Hanggang kahapon ay mayroon silang nakolektang initial report sa damage ng agricultural crops na pangunahing naitala sa Southern part ng Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya.

Sa palay ay mayroong 1,413 hectares ang partially damage na nagkakahalaga ng P6.95 million at 1,332 na magsasaka ang apektado.

Karamihang partially damage na palay ay sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya na nasa repoductive at maturity stage.

Sa mga pananim na mais ay mayroong partially damage na nagkakahalaga ng P2.54 million sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino na nasa maturity stage.

Samantala, sa high value crops pangunahin na sa lowland at highland vegetables sa Nueva Vizcaya ay nagkakahalaga ng P14.1 milion ang partially damage.

Dahil sa malaking partially damage sa mga pananim na gulay sa Nueva Vizcaya ay maaring maapektuhan ang tustos ng gulay sa Region 2.

Sa ngayon ay hinihintay din nila ang ulat ng Nueva Vizcaya sa tinamong damage ng citrus fruits na ngayon ay panahon ng pag-aani ng naturang mga prutas.

Umaasa silang hindi ito gaanong naapektuhan ng bagyo.

Tiniyak ni Regional Executive Director Edillo na may mga binhi ng mais, palay ay gulay na maaari nilang ipagkakaloob sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyong Karding.