Umabot na sa 42.4 million na coins ang naitalang naihulog sa mga coin deposit machines (CoDM) na unang inilagay ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa ibat ibang mga lokasyon sa bansa.
Ang 42.4 million coins ay katumbas ng P114.9 million.
Unang inilagay ang mga coin deposit machines noong Hunyo-20 at sa loob ng halos apat na buwan ay nagawa nitong palitan ang mga coins sa e-wallet at shopping vouchers.
Patuloy namang hinihikayat ng BSP ang publiko na ideposito ang kanilang mga naiipong coins na kadalasang hindi nagagamit.
Ang mga naidepositong coins sa mga coin deposit machines na may maayos na kondisyon ay agad ding inilalabas sa merkado, na nagiging daan upang matiyak na may sapat na supply nito sa mga pamilihan.
Layunin ng mga inilunsad na coin deposit machines na matugunan ang mga coin shortage sa bansa, na kadalasang nangyayari dahil sa pagtatago o pag-iipon ng mga Pilipino, gamit ang mga coins.