CAUAYAN CITY- Umabot sa P1.5 million ang halaga ng tinupok ng apoy na sumiklab sa National Highway, Brgy. Quirino, Solano, Nueva Vizcaya .
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni FSr. Insp. Roger Esteban, Municipal Fire Marshall ng BFP Solano na ang tatlong stalls na natupok ng apoy ay ang Vidad Store, Cammer Shoe Repair Shop at Norma’s Fruit Stand na ginagawang tirahan na rin ng mga nagmamay -ari nito.
Paniniwalaang ang sunog ay nagmula sa sinindihang apoy ng isang lalaking may problema sa pag-iisip na naninirahan sa bakanteng kwarto malapit sa tatlong stalls na natupok ng apoy.
Mayroon nakakita sa naturang lalaki na tumakbo palayo sa lugar at nakitang may apoy na nagmumula sa tinutuluyang nitong silid na naging dahilan para masunog ang tatlong stall kabilang ang mga appliances, mga refrigerators , mga paninda at computer sets na tinatayang nagkakahalaga ng 1.5 Million Pesos.
Umabot sa dalawang oras bago naapula ng mga kasapi ng BFP ang naturang sunog .
Bukod sa BFP Solano ay tumulong din ang mga fire volunteers at fireman sa mga kalapit na bayan at mga kasapi ng Solano Police Station na nagbigay ng seguridad at nagsaayos sa daloy ng trapiko sa nabanggit na lugar upang maayos na makapasok ang mga fire trucks na tumugon sa sunog.
Gawa sa kahoy at iba pang light materials ang mga pwesto kayat madaling natupok ng apoy.