Isang malaking wild na elepante ang nagdulot ng kaguluhan sa isang grocery store sa Thailand noong Lunes nang pumasok ito mula sa kalapit na national park para kumain ng mga pagkain sa loob ng tindahan.
Sa isang viral video makikita ang elepanteng lalaki na tinatawag na ‘Plai Biang Lek’ na huminto sandali sa harap ng tindahan malapit sa Khao Yai National Park sa hilagang-silangang Thailand bago tuluyang pumasok. Dito ay kumain siya nang kalmado ng mga snacks mula sa counter kahit pa sinubukan siyang paalisin ng mga tauhan ng parke.
Lumabas ang elepante dala-dala pa ang isang bag ng pagkain gamit ang kanyang malaking trunk. Maliit lang ang naging pinsala sa pagpasok ng dambuhalang elepante sa tindahan, tulad ng pagkalat ng putik sa sahig at minor na pagkasira ng kisame.
Ayon sa may-ari ng tindahan na si Kamploy Kakaew, kumain ang elepante ng siyam na pakete ng sweet rice crackers, isang sandwich, at ilang pinatuyong saging. Habang wala namang nasaktan sa insidente.
Sinabi naman ni Danai Sookkanthachat, isang volunteer sa parke, na kilala na ang elepanteng si Plai Biang Lek sa lugar at madalas pumapasok sa mga bahay upang maghanap ng pagkain. Ito lamang ang unang pagkakataon na nakita niya itong pumasok sa isang grocery store.
Dagdag pa niya, unti-unting dumarami ang mga ligaw na elepante sa Khao Yai National Park na lumalabas sa gubat upang maghanap ng pagkain sa syudad, na nagdudulot ng mas maraming pagkakataon ng kaguluhan.
Mababatid na noong 2024, tinatayang may 4,000 ligaw na elepante sa Thailand, ngunit dahil sa pagkasira ng kanilang tirahan, napipilitan ang mga elepante na lumabas para maghanap ng pagkain, na minsan ay nagdudulot pa ng panganib sa parehong tao at hayop.