Lalo pang nanamlay ang halaga ng piso sa pagsasara ng trading ngayong araw, Marso 23, matapos maitala ang foreign exchange rate na P60.300 kada isang US dollar.
Ito na ang pinakamababang halaga o all-time low ng piso sa kasaysayan ng palitan.
Mas mababa ito kumpara sa naitalang P60.100 noong nakaraang Huwebes, Marso 19, 2026.
Matatandaang nanatili ang naturang rate sa mga sumunod na araw dahil walang trading noong Biyernes bunsod ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr, at sa weekend naman ay sarado ang merkado.
Ayon sa mga analyst, patuloy na naaapektuhan ang piso ng mga panlabas na salik gaya ng mataas na presyo ng langis at geopolitical tensions sa Gitnang Silangan, na nagdudulot ng pangamba sa pandaigdigang ekonomiya.
Inaasahan na magiging kritikal ang mga susunod na linggo para sa Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang katatagan ng piso laban sa dolyar.
















