-- Advertisements --

Ikinabahala ng Office of the Vice President (OVP) ang hindi pa tiyak na pondo para sa i-aangkat ng pamahalaan na supply ng COVID-19 vaccines sa ilalim ng 2021 national budget.

Pahayag ito ng tanggapan matapos sabihin ni Senate Minority leader Franklin Drilon na hindi pa malinaw kung saan kukunin ng gobyerno ang pondo para sa target na P72.5-billion na alokasyon sa pagbili ng bakuna.

“Kung iisipin mo ang mga dapat maging prayoridad ng gobyerno sa darating na taon, hindi ba dapat number one COVID? Hindi ba iyon ang pinakamalaki nating problema sa kasalukuyan? Kasi hanggang ngayon, hindi pa bukas nang buo ang ating ekonomiya,” ani Atty. Barry Gutierrez, spokesperson ni Vice President Leni Robredo.

Kamakailan nang aprubahan ng bicameral conference committee ang panukalang 2021 national budget, kung saan P2.5-billion ng COVID-19 vaccine fund ang manggagaling sa pondo ng Department of Health (DOH). Ang natitirang P70-billion naman ay mula sa “unprogrammed appropriations.”

“It is unfortunate that in these uncertain times, the budget is creating additional uncertainty. This makes Filipinos wary about the future,” ani Drilon sa artikulo ng Inquirer.net.

Kinuwestyon ng OVP ang tila kawalan ng prayoridad ng Kongreso sa bakuna, sa kabila ng mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumikilala sa kahalagahan ng COVID-19 vaccines.

Pati na ang laki ng halaga ng inutang ng bansa sa gitna ng lockdown, na parang hindi naman daw maramdaman ngayong pinag-uusapan na ang pagbili ng bakuna.

“Ang laki na ng ano natin. ‘di ba ang laki na ng ano natin? Umaabot na ng ano ba, 10 trillion [pesos] iyong ating utang itong taon na ito? Ano, iuutang na naman natin ito? Akala ko ba maraming pera ang gobyerno at ang daming ginagastos sa kung ano ano.”

“Bakit mo ilalagay sa ibang ahensya eh ito iyon, eh, ito iyong pinaka-importante. Pangalawa, Ka Ely, nakakagulat na parang hindi pa yata tayo kumikilos para magreserve noong mga iba’t ibang supply ng vaccine, ng bakuna, na magagawa by next year, na darating na mga buwan.”

Para sa tagapagsalita ni Robredo, kulang ng “sense of urgency” ang pamahalaan sa kabila ng sitwasyon, kung saan nag-uunahan na ang mga bansa para sa COVID-19 vaccine supply.

“Hindi ba dapat ginagawa na natin lahat para matiyak natin na makakakuha tayo ng maaga nitong bakuna. Mayroon tayong sapat na supply ng bakuna, ‘di ba, kung hindi kayang lahat, karamihan ng ating mga kababayan mabibigyan at maayos na iyong distribusyon at maayos pa ito sa lalong madaling panahon.”

“Nakakatakot lang kasi na parang hindi mo—nakikita mo na parang hindi masyadong ganoon kabilis iyong pagkilos dito sa napakaimportanteng isyu na ito.”

Kamakailan nang lumagda ng kasunduan ang pribadong sektor at pamahalaan para makakuha ng supply ang bansa ng bakunang gawa ng British pharmaceutical firm na AstraZeneca.