-- Advertisements --
image 181

Nagkasa ng Gunnery at Air Defense exercises ang Philippine at United States Navy sa ika-apat na araw ng sea phase SAMASAMA Exercises 2023.

Layunin nito na masanay ang mga kalahok na miyembro ng dalawang hukbo ng target acquisition and engagement na mahalaga pagdating sa paghahanda para sa naval warfighting.

Sa isinagawang Gunnery Exercises ay ginamit ng PH Navy ang BRP Antonio Luna, at ang USS Dewey naman ang ginamit ng US Navy, habang ang BRP Lolinato To-Ong naman ang nag-clear sa lugar na paggaganapan ng naturang pagsasanay mula sa iba pang mga barko upang matiyak na ligtas na makakapagpaputok ng naval guns ang dalawang hukbo.

Sa naturang exercises kasi ay umasinta ng isang inflatable “Killer Tomato” target ang dalawang navies, gamit ang Aselsan SMASH 30mm gun at .50 cal gun ng PH Navy, at 25mm Mk38 Machine Gun at .50cal guns naman ang ginamit ng US Navy.

Kasunod nito ay nagsagawa naman ng Air Defense exercise kung saan gumamit ang mga ito ng Hawker Hunter aircraft na may hila-hilang drone na nagsilbing target ng mga naval gun.

Layunin naman nito na mai-familiarize ang mga PH at US navies sa kanilang mga kagamitan, kasabay ng pagpapaigting pa ng kanilang koordinasyon at pagtugon sa mga actual aerial threats.

Samantala, sa pamamagitan nito ay kapwa nadevelop ng dalawang hukbong pandagat ang kanilang teamwork at communication skills, kabilang na ang pagsasagawa ng precise tactical maneuvering sa pagpoposisyon ng mga barko para sa optimal firing solutions.