-- Advertisements --

Umapela si Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na amiyendahan ang guidelines sa physical distancing.

Ito ay para mapahintulutan aniya ang mga motorista, partikular na ng mga motorcycle riders, na maisakay ang kanilang kamag-anak sa kabila nang umiiral na physical distancing.

“People living in the same house don’t obviously observe physical distancing when they are in their own house so it really makes no sense at all that they would be prevented from riding together in a private car or in a motorcycle,” ani Ong.

Ipinagbabawal kasi ngayon ang pagsakay ng dalawang tao sa isang motorsiklo dahil paglabag ito sa physical distancing.

Ito ang dahilan sa ilang pagkakataon na pinapababa ng mga pulis na nagmamando sa mga checkpoints ang angkas sa motorsiklo kahit pa kamag-anak ito ng driver na nagsisilbi bilang medical frontliners.

“Nakakaawa yung mga iniiwan na mga frontliners sa ating mga checkpoints kasi hindi sila maaaring ihatid ng kanilang sariling pamilya dahil labag daw ito sa social distancing,” saad ng Kongresista.

Gayunman, sinabi ni Ong na maari pa rin namang ipagpatuloy ang pagbabawal sa mga motorsiklong namamasada.

Pagdating naman sa mga pribadong sasakyan, iginiit ng kongresista na dapat strikto ang pagsunod sa social distancing rules.