Inaayos pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang panuntunan sa pagbibigay ng ikalawang tranche ng emergency cash subsidy sa mga target beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP).
Pahayag ito ni Assistant Secretary Glenda D. Relova, tagapagsalita ng DSWD, sa virtual hearing ng Social Amelioration Cluster ng Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee matapos na sabihin ni Presidential spokesperson Harry Roque na tanging mga SAP beneficiaries sa mga lugar na isasailalim sa enhanced community quarantine mula Mayo 16 hanggang 31 ang mabibigyan ng ikalawang tranche ng emergency cash subsidy.
Ayon kay Relova, hinihintay pa nila ang dokumento mula sa Office of the President para sa pagbabagong gagawin ng DSWD sa guidelines sa pamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP.
Nauna nang sinabi ni Roque na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na isama sa makakatanggap ng second tranche ng SAP ang karagdagang 5 million low-income families.
Sinabi ni Relova na ang karagdagang benepisyaryo ay iyong mga “waitlisted” o ang mga mahihirap na pamilya na hindi naabutan ng tulong pinansyal sa unang tranche ng SAP.
Sa ilalim ng programang ito, bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa loob ng dalawang buwan.