-- Advertisements --

Pag-uusapan pa raw ng pamahalaan kung anong mekanismo ang susundin nito sa ilalim ng panukalang joint investigation ng Pilipinas at China sa nakaraang insidente sa Recto Bank, bahagi ng West Philippine Sea.

Sa isang panayam kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra matapos kontrahin ng ilang opisyal ang pagtanggap ni Pangulong Duterte sa alok na imbestigasyon ng Beijing.

Ayon sa kalihim mas mahalagang matukoy sa gagawing imbestigasyon kung ano ang dahilan bakit hindi tinulungan ng Chinese crew ang mga Pilipino.

Madali lang daw kasing malaman kung sinadya ba ang pagbangga o isa itong aksidente.

Iginiit ni Gueverra na malabong pagusapan sa joint inquiry ang tungkol sa soberanya ng bansa dahil ibang kaso naman daw ang sentro ng usapin.

Kung maalala, sinabi ni Presidential spokeperson Salvador Panelo na posibleng putulin ng administrasyon ang relasyon nito sa China kapag napatunayang sinadya ng mga dayuhan ang insidente.

Pero para sa ilang eksperto, mas may epektibong solusyon na dapat ikonsidera ang pamahalaan kaugnay ng issue.