Mariing kinondena ng Bureau of Customs (BOC) ang insidente ng pamamaril sa dalawang empleyado ng tanggapan na nag-resulta sa injuries ng mga ito.

Ayon kay Customs commissioner Rey Leonardo Guerrero, inatasan na niya ang Customs Intelligence and Investigation Service para makipag-ugnayan sa Philippine National Police para imbestigahan at panagutin ang mga salarin.

Batay sa ulat, binabaybay nila Maricon Manalo, 55; at Marietta Lasac, 60, ang bahagi ng Magallanes, Makati nang harangin ng apat na armadong lalaki ang kanilang sasakyan.

Pwersahan umano silang pinalabas at pinaputukan ng baril nang magtangkang tumakas ang mga ito.

Sugatan ang dalawa at ang isa pang kasama sa kotse na kinilalang si Sherlyn Salazar.

Agad naman silang naisugod sa pagamutan.

Sa ngayong pagnanakaw ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa insidente.