Inihahanda na ni Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon ang kasong isasampa laban sa na-disqualify na Duterte Youth party-list nominee na si Ronald Cardema.

Sa isang panayam inamin ni Guanzon na hinahabi na niya ang mga kasong ihahain kaugnay ng mga paratang na bribery, extortion at corruption ni Cardema laban sa kanya.

Nilinaw ng commissioner nsa sa susunod na taon niya pa isasampa ang reklamo dahil nakabinbin pa ang bagong kaso ng disqualified nominee sa Comelec en banc.

Hindi umano matanggap ng pamilya ni Guanzon na inakusahan ito ng panghu-huthot ng P2-milyon sa kampo ng Duterte Youth.

Minaliit ng opisyal si Cardema at sinabing handa niyang harapin sa korte ang dating National Youth Commission (NYC) head dahil wala naman daw itong kakayahang depensahan ang sarili.

Hinamon din nitong buksan ng disqualified nominee ang bankbooks nito para makita kung talagang naglabas ito ng P2-milyon para sa commissioner.