-- Advertisements --

Suspendido ng limang magkakasunod na laro ang defensive specialist ng Golden State Warriors na si Draymond Green, kasunod ng kinasangkutang kaguluhan kahapon sa naging laban ng Warriors at Minnesota Timberwolves.

Inilabas ng NBA management ang naturang desisyon matapos muling pag-aralan ang nangyaring kaguluhan.

Hindi rin sasahod ang Warriors Forward sa kabuuan ng kanyang suspensyon.

Kalakip ng naging desisyon ng NBA ay ang pagpuna nito sa umano’y hindi katanggap-tanggap na inasal ni Green.

Maalalang kahapon ay nasangkot ang 2017 Defensive Player of the Year sa kaguluhan loob ng court matapos nitong hinila si Minnesota Center Rudy Gobert, gamit ang isang headlock.

Bago nito, nagkatulakan sina Warriors guard Klay Thompson at Wolves forward Jaden McDaniels. Tinangka naman silang awatin ng mga kapwa player, kasama sina Gobert at Green hanggang sa nauwi na ito sa kaguluhan.

Agad namang na-eject si Green kasunod ng nangyaring kaguluhan habang tuluyan ding binawalan sina Thompson at McDaniels na maglaro pa, dahil sa pagsisimula ng naturang kaguluhan.

Samantala, maliban kay Green ay pinatawan din ng multa sina Klay at Jaden na kapwa pinagbabayad ng tig-$25,000.

Bukas, Nobiembre-17, ay nakatakdang harapin ng GS ang Oklahoma City Thunder kung saan hindi na papayagan pang makapaglaro si Draymon Green.