Todo ngayon ang apela ang isang grupo ng provincial bus operators sa gobyerno na makabiyahe ang lahat ng kanilang bus units sa Metro Manila.
Ayon kay Alex Yague, executive director ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc, nasa 15 porsiyento lang ng mga may dating prangkisa ang tumatakbo ngayon.
Nagtataka raw si Yague kung bakit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sila pinapayagang makapasok sa Manila samantalang hindi naman sila dadaan ng EDSA para makarating sa kanilang mga terminal kundi tatawid lang naman daw sa naturang kalsada.
Kung maalala, kamakailan muling binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang inter-regional na ruta ng mga provincial bus.
Isinasaad sa memorandum circular na ang lahat ng public utility bus operator na may valid at umiiral na Certificate of Public Convenience, Provisional Authority at Special Permits ay pinapayagang muling mag-operate at gumamit ng mga itinakdang end-point terminal patungo at palabas ng Metro Manila.
Ang mga rutang inter-regional touching at not touching Metro Manila, kasama ang mga ruta ng provincial commuter na nagmumula sa Calabarzon na dating may Cubao endpoint, na kalaunan ay inilipat sa Paranaque Integrated Terminal Exchange, ay muling papayagan nang bumalik sa orihinal nitong terminal—Araneta Bus Terminal, Cubao via C5.
Dagdag pa rito, ang mga provincial commuter routes na may pre-COVID endpoint sa Buendia, Makati, Pasay, at Manila ay mananatili pa rin ang endpoint sa PITX, kabilang ang mga nagmumula sa malayong bahagi ng South Luzon katulad ng Quezon, Mimaropa, at Bicol kahit na ito ay may pre-COVID na prangkisa na may endpoint sa Cubao, alinsunod sa Memorandum Circular 2020-051.
Ang mga provincial buses mula sa Region 1, 2, at CAR ay pinahihintulutang magbaba ng mga pasahero sa NLET kung saan mayroong mga city buses na magdadala sa kanila papuntang Metro Manila.
Sa mga provincial buses naman mula sa Region 3, pinahihintulutan magbaba at magsakay sa mga terminal tulad ng Araneta Center Cubao at NLET.
Samantala, ang mga provincial buses mula Visayas at Mindanao na papuntang Metro Manila ay pinahihintulutan na magsakay at magbaba ng mga pasahero sa Santa Rosa Integrated Terminal at mayroon ding mga city buses na magdadala sa kanila papuntang Metro Manila.