Maghahain ang grupo ng petitioners sa Korte Suprema ng petition for certiorari na kumukwestiyon sa paglilipat ng milyun-milyong peso sa confidential funds ng Office of the Vice President noong nakalipas na taon.
Kabilang sa mga maghahain ng petisyon ang dating tagapagsalita ni dating Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Guttierez, dating Comelec offcials na sina Christian Monsod at Gus Lagman, dating Finance Undersecretary Cielo Magno at iba pa.
Ayon kay Atty. Guttierez, ang naturang petisyon ay bunga ng ilang buwang debate kaugnay sa paglilipat ng P125 million sa confidential funds mula sa Office of the President patungo sa Office of the Vice President na pinuna ng Makabayan bloc dahil sa hindi umano awtorisado ito sa ilalim ng 2022 budget.
Aniya, maraming humahamon sa kanilang magsampa ng kaso nang unang pumutok at pag-usapan ang isyu kayat gagawin nila ito para malinawan na rin ang kontrobersiyal na isyu ng confidential fund.
Layunin ng naturang petisyon na liwanagin kung awtorisado o may kapangyariha ba ang OP na maglipat ng naturang pondo sa OVP kahit pa walang item ng confidential funds sa OVP sa ilalim ng General Appropriations Act of 2022.
Iginiit din ni Atty. Guttierez na dapat maibalik sa National Treasury ang pera kung hindi awtorisado an fund transfer o paglilipat ng pondo.
Samantala, una naman ng ipinaliwanag ni House appropriations Committee Senior Vice Chair Stella Quimbo na legal ang paglilipat ng ponfo dahil ito ay kinuha mula sa contingent fund. Sinabi pa ng mambabatas na hindi inilipat ang pondo sa halip ay aktwal na ginamit ang contingent fund para sa expenses o gastusin na hindi na-anticipate habang inihahanda noon ang pondo.