-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ipapatawag ng Provincial Government of Albay ang grupo ng mga mountaineers na sinasabing umakyat sa Bulkang Mayon sa kabila ng nakababalang Alert Level 2 status.

Sa isinagawang pulong kahapon, iniulat ni Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep kay Albay Governor Al Francis Bichara ang panganib sa posibleng lava collapse, explosions at pagbaba ng uson.

Inihayag ni Danny Garcia, tagapagsalita ng gobernador sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na inatasan na si Provincial Tourism Office head Dorothy Colle na sulatan ang grupo.

Pagpapaliwanagin ang mga ito sa isinagawang climbing activity, na inaasahang mangyayari sa susunod na linggo sa Sangguniang Panlalawigan.

Maging ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na sinasabing nagbigay ng permiso sa pagpasok ng grupo sa Bonga Trail ng Bacacay ay inabisuhan rin.

Pinakilos naman sa mahigpit na monitoring ang mga barangay na konektado sa mga entry at exit point ng volcano trail upang ma-monitor ang mga magtatangkang makalusot sa pag-akyat sa Mayon dahil wala pa namang forest o mountain ranger na sana’y gagawa nito.

Muli aniyang binigyang-diin ng gobernador na seguridad lamang ng mga turista ang pangunahing nilalayon sa mga hakbang.