-- Advertisements --

Hinikayat ng Luzon Federation (LuzonFed) of sugar producers ang pamahalaan na direkta nang tumugon sa nagpapatuloy na problema ng mga magtutubo sa preyuhan ng asukal.

Ito ay upang makakuha ang mga magtutubo ng “fair, reasonable and sustainable” na kita mula sa kanilang mga sakahan.

Una rito ay sumulat si LuzonFed President Arnel Toreja kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. upang iparating ang aniya’y hinaing at reklamo ng mga magtutubo dahil sa mababang farmgate price ng asukal.

Nakasaad sa sulat ng LuzonFed na ang mga kita ng mga magsasaka mula sa kanilang mga produktong tubo ay dumederetso lamang sa ilang mga ‘entities’ at sila ang nakikinabang sa mga pinaghirapan ng mga magsasaka.

Tinutukoy ni Toreja ang kasalukuyang sitwasyon sa bansa kung saan umaabot lamang sa mahigit P2,500 ang kada 50-kg ng asukal sa farmgate habang sa merkado ay umaabot sa P85 hanggang P100 ang kada kilo.

Ang naturang market price ay nangangahulugan ng mula P4,250 hanggang P5,000 kada 50-kg bag ng asukal, at malayong-malayo kumpara sa Mahigit P2,500 lamang na farmgate price.