-- Advertisements --
Healthworker Nurse Doctor COVID PH

Kinalampag ng isang grupo ng mga healthcare worker ang gobyerno para sa mas magandang benepisyo para sa kanila.

Kasunod ito ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat ay agad na maipatupad ang mga benepisyong naaayon sa batas para sa mga medical workers sa bansa.

Ayon kay Alliance of Health Worker President Jaymee De Guzman, marami sa kanila ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang One Hospital Command benefit.

Batay kasi aniya sa kanilang ginawang survey noong buwan ng Agosto, lumalabas na halos nasa kalahati pa ng pangkalahatang bilang ng mga manggagawang sa pangkalusugan ang hindi pa nakakatanggap ng nasabing benepisyo.

Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon aniya patuloy ang kanilang sigaw at panawagan sa pamahalaan ukol dito.

“Ipinangako po na may (nakalaang) budget mula January hanggang June bakit po ang sandamakmak na ospital ay hindi pa nakakatanggap ng One COVID-19 Allowance (OCA).” ani De Guzman.

“Hindi po kaya may problema na tayo sa Department of Health (DOH) o kung sino man ang naghahawak ng mga benepisyo, pagre-release ng mga benepisyong ito kaya naaantala yung pamimigay (ng benepisyo) sa mga nurses na katulad namin, sa mga health workers na nagpapakahirap.” dagdag pa niya.

Samantala, kung maalala una nang nagpahayag ng pangako ang mga mambabatas sa bansa na tutulong sila sa pamahalaan na matugunan ang mga suliranin na ito at gayundin ang matagal nang inaasam ng ating mga nurse na mapabuti ang kalagayan nila, pangunahin na ang pagpapataas pa ng kanilang sahod.