-- Advertisements --

Hinikayat ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) ang Department of Education (DepEd) na ilabas ang datos ng mga coronavirus disease cases sa mga guro at ilang personnel, gayundin ang available assistance para sa mga empleyado ng ahensya na tinamaan ng nakamamatay na virus.

Iginiit ng TDC na isa sa mga responsibilidad ng DepEd na siguruhin ang tulong para sa mga empleyado nito lalo na ang mga nangangailangan ngayong may health crisis na kinakaharap ang bansa.

Ayon kay TDC National Chairperson Benjo Basas, kahit daw hindi nakuha ang virus sa pamamagitan ng community transmission ay hindi umano nababago ang katotohanan na sila ay mga guro at responsibilidad sila ng DepEd na tumatayong employer ng mga ito.

Nagsisilbi aniya ang mga ito sa gobyerno bilang frontliners sa edukasyon kung kaya’t mas prone ang mga ito sa infection.

Ginawa ni Basas ang pahayag na ito matapos sabihin ng kagawaran na hindi raw “work-related” ang dahilan ng naiulat na kaso ng limang guro mula Isabela na namatay dahil sa coronavirus.

Ibinahagi rin nito na nakatatanggap ang kanilang opisina ng mga reklamo na maraming guro raw mula Region II ang nagpositibo mula sa deadly virus. Dahil dito ay nanghihingi ngayon ang grupo ng kumpletong datos ng COVID situation sa DepEd sa pamamagitan ng isang sulat na ipinadala kay Education Secretary Leonor Briones.

Hirit pa ni Basas na kailangang malaman ng publiko kung ilang guro at kawani ng DepEd ang nahawaan ng COVID-19 at kung bakit sila nahawa. Maaari raw kasing nahawa sila dahil sa physical reporting, home visitation, face-to-face meetings at seminars na iniutos sa kanila ng kagawaran.

Base sa Section 22 ng Magna Carta for Public School Teachers, sinabi ni Basas na ang pagtitiyak ng healthcare para sa mga guro, maging ang hospitalization at pagpapagamot ng mga ito ay naka-mandato sa DepEd, kahit walang pandemic.

Nais din ng TDC na magsagawa ang DepEd ng imbestigasyon upang siguruhin naman na mapaparusahan ang sinumang mapapatunayang lumabag o lumalabag sa mga umiiral na patakaran.