-- Advertisements --

Nananawagan ang mga mangingisda sa Department of Environment and Natural Resources na imbestigahan ang coastal road project sa bayan ng Gubat, lalawigan ng Sorsogon na may kinalaman sa mga na-extract o “dead corals.”

Ayon sa grupo ng mga mangingisda, ang ahensya ay dapat mag-utos sa provincial environment office nito na magsagawa ng inspeksyon sa lugar ng proyekto at iassess kung ang mga coral na ito ay sadyang nakuha sa ibang lugar.

Hindi umano katanggap-tanggap kung ang mga coral reef ay sinisira at binubunot para sa isang dump and fill project.

Sinabi ng PAMALAKAYA na ang mga lokal na mangingisda sa Sorsogon ay nagpoprotesta sa coastal road project dahil pinangangambahan itong maapektuhan ang kanilang pangingisda at hindi bababa sa 13 coastal community.

Una na rito, ang Sorsogon Coastal Road ay proyekto ng Department of Public Works and Highways sa ilalim ng Build, Build, Build program ng nakaraang administrasyong Duterte.