-- Advertisements --

Malugod na tinanggap ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang desisyon ng Department of Agriculture na suspendihin ang importasyon ng sibuyas hanggang Mayo kasabay ng paghahanda ng local growers para sa anihan at pagbebenta ng kanilang aning sibuyas.

Ayon kay SINAG president Rosendo So, makakatulong ito para sa magsisibuyas sa bansa partikular na sa Nueva Ecija na maibenta ang kanilang aning sibuyas sa magandang presyuhan.

Sinabi din ni So na nagsimula na ang anihan ng puting sibuyas sa Nueva Ecija kung saan ibinibenta ng mga magsasaka ang kanilang inaning sibuyas sa halagang P18 hanggang P20 kada kilo.

Isa sa dahilan ay dinomina aniya ng mga suplay ng imported na puting sibuyas ang mga pamilihan.

Kayat nagpapasalamat din ang grupo ng mga magsasaka sa maagap na aksiyon ng DA sa kanilang kahilingan para itigil ang pag-aangkat ng sibuyas dahil sa inaasahang peak ng suplay ng puting sibuyas sa Pebrero kasabay ng anihan habang ang pulang sibuyas ay inaasahang mag-peak sa Marso.