-- Advertisements --
image 351

Pinuna ng grupong magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagbabago ng gobyerno patungo sa paggamit ng hybrid seeds kaysa inbred seeds, at sinabing may mas magandang paraan para makamit ng bansa ang rice self-sufficiency.

Ayon kay Rafael Mariano, chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform, ang hybrid rice seeds hindi na pwedeng i-binhi hindi tulad sa certified seeds.

Dagdag pa niya, kung ito umano ang gagamitin ay kailangang palaging bumili ng mga magsasaka at tiyak na ang kumpanya ng hybrid seeds ay kikita ng malaki.

Si Pangulong Marcos Jr, na pinuno din ng DA, ay nakipagkasundo sa pribadong research firm na SL Agritech Corporation (SLAC) na i-convert ang mga target na lugar na may certified seeds sa hybrid seeds.

Ani Mariano, produksyon ng pagkain ang dapat unahin at kung ang 4.8 milyong ektarya ng harvested area para sa palay ay maaaring tumaas ang ani ng lima hanggang anim na tonelada bawat ektarya, maaari umanong maabot ang self-sufficiency at hindi na kinakailangang mag-angkat.

Binigyang-diin niya na dapat magkaroon ng variation ng mga pananim na palay upang mapabuti ang genetic diversity.

Kaugnay niyan, iginiit ng Department of Agriculture, na ang ani ng pananim ay 41 percent na mas mataas sa hybrid seeds kumpara sa mga conventional.

Ang Western Visayas, Eastern Visayas, South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City o Soccsksargen, gayundin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay kabilang sa mga target na lugar ng departamento para sa naturang hybrid seed planting