-- Advertisements --
IMG 20190912 130452

Nakatakda nang simulan ang konstruksiyon ng phase-1 ng tatlong palapag na gusali ng Land Transportation Officr (LTO) Manila Licensing Center at Manila North District Office sa Tayuman, Maynila.

Kanina ay isinagawa ang ground breaking at unveiling ng naturang gusali sa opisina ng LTO sa Tayuman.

Dumalo sa unveiling ceremony ng proyekto ngayong sina LTO Asec. Edgar Galvante, Manila Congressman Yul Servo at mga opisyal ng LTO-Manila.

Kasama rin dito ang Chief Licensing Office na si Ligaya dela Cuesta at Chief Car Registration Alvaro Villanueva.

Ayon kay Atty. Clarence Guinto, regional director ng LTO-National Capital Region (NCR) West, ang naturang proyekto ay may pondong aabot sa P30 million na layong gawing moderno ang LTO-Manila at mabigyan ng mas komportable at mas maayos na serbisyo ang mga taong may transaksiyon sa ahensiya.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni LTO chief Galvante na hindi lamang dapat maganda ang building nila kundi dapat ay maganda rin ang mga serbisyo ng mga taga-LTO sa publiko.

Marapat aniya na baguhin ang pangit na imahe, tanggalin ang kurapsyon, at gawing mabilis at kaaya-aya ang serbisyo sa lahat ng mga opisina ng LTO.

Ayon naman kay Congressman Servo, natutuwa siya na sa wakas ay masisimulan na ang kontruksyon ng gusali.

Aniya, ginawan niya talaga ng paraan upang makakuha ng pondo para sa konstruksiyon ng bagong LTO office sa Maynila.

Nabatid na taong 1988 pa itinayo ang lumang building ng LTO-Manila.

Habang nagpapatuloy ang konstruksyon ng bagong gusali ng Manila Licensing Center at Manila North District Office, pansamantalang ililipat ang mga transaksyon sa J.T. Mall sa Fuguso Street sa Maynila.