-- Advertisements --

Inirekomenda ng National Task Force Against Coronavirus Disease 2019 (NTF – COVID-19) adviser na si Dr. Ted Herbosa sa pamahalaan na i-review ang green list countries na maaaring mayroon nang Omicron variant ng virus.

Ginawa ni Herbosa ang suhestiyon matapos matanong sa isang panayam kung dapat bang irekonsidera ng pamahalaan ang naunang desisyon nito na nagpapahintulot sa mga banyaga na manatili sa bansa mula Disyembre 1 hanggang 15 kahit walang bisa.

Iginiit ni Herbosa na dapat binabantayan ang mga ulat ng ibang mga bansa hinggil sa Omicron variant, at base dito ay agad na i-reclasify sila.

Kasi sa ngayon ay maraming mga bansa na aniya ang pasok sa green list countries, na posible namang kailangan nang ibalik sa red o yellow list.

Nabatid na sa ngayon ay mayroon nang Omicron variants sa South Africa, United Kingdom, Italy, Belgium, Botswana, Hong Kong, Germany at Israel.

Base sa datos ng pamahalaan, 44 bansa ang pasok sa green list o iyong mga nasa low-risk para sa COVID-19 transmission.

Nauna nang sinabi ni Herbosa na dapat ilagay na ang Hong Kong sa ilalim ng yellow o red list dahil sa pagkakatala ng Omicron variant doon.

Sinabi ito ni Herbosa matapos na alisin na ng pamahalaan sa green list ang South Africa, Namibia at Zimbabwe.