Umaasa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magtutuloy-tuloy na ang magandang resulta ng ipinatutupad na granular lockdown na mayroong alert level sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, napakaganda raw ang impact ng alert level system sa Metro Manila dahil napigilan ang lalong paglaganap ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Maliban dito, naging daan din umano ang Alert Level 4 starus para mabuksan ang ekonomiya sa NCR kaakibat ang pagsunod pa rin sa mga ipinatutupad na minimum health protocols.
Aniya, ang data ng COVID-19 cases na mula mismo sa Department of Health (DoH) at OCTA research group ay nagpapakitang bumaba na ang bilang ng mga nadadapuang indibidwal sa Metro Manila mula nang isagawa ang bagong uri ng restrictions.
Umaasa si Abalos na sa Oktubre ay ilalagay na sa Alert Level 3 ang Metro Manila.
Kasabay nito, nagpasalamat naman si Abalos sa lahat ng mga residente ng NCR dahil sa kooperasyon na kanilang ipinakita nang ipatupad ang granular lockdown sa iba’t ibang lugar.
Kampante naman si Abalos na alam na ng pamahalaan ang kanilang gagawin kahit ano man ang dumating na variants sa bansa sa mga susunod na panahon dahil mayroon na raw silang template ng mga alert levels.
Sa ngayon, base sa data ng PNP, nasa 294 areas pa rin ang nasa ilalim ng granular lockdown.
Kinabibilangan daw ito ng 151 barangays sa 10 siyudad at munisipalidad.
Sa naturang bilang ng mga naka-lockdown nasa 193 ang mga bahay, 39 ang residential buildings, 30 ang mga kalye, 18 subdivisions at 14 residential building floors.