-- Advertisements --

Positibo ang ibinigay na rating ng Department of Education (DepEd) sa progressive expansion ng limited face-to-face classes sa buong bansa.

Sa virtual press conference noong Biyernes, sinabi ni (DepEd) Sec. Leonor Briones na nasa 14,350 public at private schools ang nakiisa sa in-person classes at nilahukan ng 2,562,514 learners.

Sinabi ni Briones na base sa inisyal na assessment, naging matagumpay daw ang paghahanda ng DepEd sa muling pagbabalik ng mga estudyante sa face-to-face classes.

Naging maganda rin daw ang tugon dito ng mga learners kanilang mga magulang, ang mga local government units at mga school officials.

Ayon kay Assistant Secretary Malcolm Garma naging excited daw at enthusiastic ang mga estudyante sa pagpapatuloy ng in-person class pero nananatili itong limitado.

Noong Marso 17, nasa kabuuang 9,353 schools na kinabibilangan ng 8,972 public at 381 private ang nakibahagi sa limited face-to-face classes.

Tuloy-tuloy naman da wang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa Department of Health (DoH) para pag-usapan ang mga measures sa pagpapaluwag pa ng mga restrictions.

Kasunod na rin ito ng panawagan ng economic team ng pamahalaan na pagbubukas ng in-person classes.

Sinabi ni Undersecretary Nepomuceno Malaluan na ikinokonsidera na raw ng DoH ang pediatric vaccination rate na batayan para sa pagluluwag sa guidelines.