-- Advertisements --

DAVAO CITY – Lapnos ang ilang bahagi ng katawan ng isang Grade 7 student matapos masunog ang suot nitong costume na gawa sa abaca na gagamitin sana nito para sa contest ng Mr. & Miss intrams sa kanilang paaralan.

Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si alyas Ann, 13-anyos, Grade 7 student ng Holy Cross College of Calinan.

Batay sa report ng Calinan Police Station, habang tinutulungan ng kanyang mga kaklase si Ann na magbihis sa kanyang abaca costume sa loob ng isang classroom ay bigla na lamang umano itong nagliyab.

Ang abaca costume ng biktima ay nilagyan umano ng spray paint para sa kulay nito kaya nang mahagip ng apoy kaagad na nagliyab na naging dahilan ng pagkalapnos nito.

Tinangka pa umanong patayin ng dalawang guro ang apoy pero pati ang kanilang mga braso ay napaso din.

Sa ngayon patuloy pa ring ginagamit sa burn center ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang biktma.

Inihayag naman ng Department of Education Region 11 (DepEd-11) na magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon sa pangyayari, habang tikom pa rin ang bibig ng mga tagapangasiwa ng naturang paaralan.