-- Advertisements --

Hindi umano sapat ang target ng pamahalaan na supply ng COVID-19 vaccine para maabot ng bansa ang tinatawag na “herd immunity” o kaligtasan mula sa coronavirus disease.

Sa isang panayam sinabi ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, hindi aabot sa kalahati ng buong populasyon ng Pilipinas ang target na 50-million vaccines kung ang kada-isang tao ay kailangan ng dalawang dose ng bakuna.

“Kalahati na ‘yun ng ating population, dahil ang populasyon natin 110 million na yata, ‘di ba? So kung may 50 million, that is two doses, 25 million lang ang puwedeng mabigyan,” ani Dr. Bravo.

Batay sa tala ng Commission on Population, nasa 109.3-million ang populasyon ng Pilipinas ngayong Nobyembre.

Kaya naman kung two doses ang kailangan ng bawat indibidwal sa bakuna, ay posibleng 25-million na Pilipino lang daw ang mababakunahan.

Malayo ito sa sinasabi ng Department of Health (DOH) na dapat higit 60% ng populasyon ang nagka-COVID, gumaling at nabakunahan, para maabot ang herd immunity.

Hinimok ni Dr. Bravo ang publiko na magtiwala sa mga eksperto na mas nakakaalam sa paggiging epektibo ng mga bakuna. Pati na sa World Health Organization, na may pagtitiyak na mabibigyan ng access sa COVID-19 ang developing countries tulad ng Pilipinas.

“Dapat magtiwala tayo sa mga scientist at mayroon yang kaukulang check and balance. Hindi lang naman porket sinabi mo andyan na. Mayroon pa ring tumututok para makita kung tama ba ginawa nila,” ani Dr. Bravo sa hiwalay na panayam sa Bombo Radyo.

“So magtiwala tayo kasi nga marami tayong scientists, mga doktor, propesor dito sa Pilipinas na marunong at magaling sa pagbabakuna.”

Nitong Martes nang mag-anunsyo naman ang Gamaleya Research Institute ng Russia na 95% effective ang kanilang Sputnik V vaccine, batay sa resulta ng second interim analysis ng isinasagawa nilang clinical trial.

Mula raw sa 91.4% efficacy noong unang 28 araw matapos makatanggap ng first dose ang trial participants, ay umangat pa sa 95% ang pagiging epektibo ng naturang bakuna matapos ang 42 araw.

“The N.F. Gamaleya National Research Centre for Epidemiology and Microbiology and the Russian Direct Investment Fund have announced the efficacy of their newly developed inoculation, the world’s first registered COVID-19 vaccine, has topped 95%, with the latter uplifting results shown 42 days after the first shot.”

Nakapagpasa na ng confidentialilty data agreement ang Gamaleya dito sa Pilipinas, pero ayon sa FDA, hindi pa nagsisimula ang evaluation ng Vaccine Expert Panel para sa makapagsagawa ng clinical trials dahil may hinihingi pang karagdagang dokumento ang mga eksperto.