Pinaalalahanan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang mga opisyal ng pamahalaan na maging mabuting ehemplo at sundin ang mga probisyon na itinatakda ng Bawal Bastos Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Brosas na walang pinipili ang bagong batas na ito kaya maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay marapat lamang na sumunod din sa itinatakda nito.
Naniniwala si Brosas na kung ang mga opisyal ng pamahalaan ay magsilbing huwaran na may pagtatangi at pagkilala sa mga karapatan ng kababaihan ay tiyak na susundin din ito ng publiko.
Nangangamba ang kongresista na baka sa huli tanging ang mga nasa lansangan lamang ang mapupuruhan at mapapanagot dahil sa paglabag sa Republic Act 11313 at hindi ang mga naka-upo sa puwesto sa gobyerno.
Samantala, umaasa si Brosas na maging komprehensibo ang pagbalangkas sa internal rules and regulations (IRR) ng Bawal Bastos Law.