-- Advertisements --

Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang mga opisina ng pamahalaan na magtipid sa paggamit sa kuryente.

Sinabi ito ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza sa harap pa rin nang napakataas na presyo ng mga produktong petrolyo na pinangangambahang maka-apekto sa supply ng kuryente.

Ayon kay Erguiza, binababaan nila ang kanilang demand dahil kailangan sa ngayon na kaunting power at energy muna ang makonsumo.

Isang energy officer na aniya sa bawat government office ang nakatalaga para magbantay sa kinukonsumong kuryente.

Mayroon ding nakatokang isang team para magbantay naman sa mga aktibidad ng bawat government agencies.

Ang mga ito ay kailangan na magsumite ng kaukulang reports.

Iginiit ni Erguiza na dapat lang na maging conscious din sa ngayon kahit sa mga maliliit lang na mga bagay.

Katulad na lamang aniya kapag nasa loob ng isang silid, dapat panatilihing nakapatay ang mga ilaw kapag hindi naman ginagamit.,

Sa kanyang tantiya, sinabi ni Erguiza na maaring aabot sa 24 megawatts ang mako-conserve sa inisyatibang ito.

Katumbas ito ng nasa P840 million halaga na kakailanganin sa pagpapatayo ng isang power plant.