May sapat na pondo ang pamahalaan para gamitin sa panukalang batas na naglalayong gawaran ng karagdagang financial assistance ang mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Pagtitiyak ito ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa panayam ng Bombo Radyo nang matanong hinggil sa House Bill 8597, o Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program, na kanyang inihain.
Sinabi ni Cayetano na base sa website ng Department of Budget and Management (DBM), mayroong mahigit P400 billion na savings ang pamahalaan.
Bukod dito, maari rin aniyang kumuha ng pera mula sa mga line items sa ilalim ng 2021 national budget, kagaya ng ginawa naman sa 2020 budget kung saan kumuha ng ilang pondo para sa Bayanihan 1.
Sa ilalim ng kanyang panukala, bibigyan ng P10,000 financial assistance ang mga pamilyang apektado ng pandemya, o tig-P1,500 sa bawat miyembro, o alinman ang mas malaki.
Iginiit ni Cayetano na mahalagang gawing prayoridad ang kanyang panukala lalo pa at maraming mga Pilipino ang nakakaranas na sa ngayon ng gutom.
“Kailangan lang bigyan ng priority, upuan kaagad, kasi sa pag-iikot namin talaga, iniisip talaga ng tao ngayon, ‘yung pangtawaid talaga – ‘yung konting puhunan para naman talaga maiwasan ‘yung – halimbawa, gutom,” ani Cayetano.
“Dumoble ‘yung gutom eh sa ating bansa. In all surveys, ‘yung mga hindi nakakaranas ng gutom, ngayon nakakaranas ng gutom. So, I think it is an urgent matter that we should really give our attention to,” dagdag pa nito”
Mas mainam din aniya kung unahin muna ito kaysa Bayanihan 3 at sa itinutulak na pag-amiyenda sa 1987 Constitution.
“marami nga po talagang medyo nawawalan ng pag-asa at hindi nakikita ‘yung tinatawag na light at the end of the tunnel. So, kailangan ipakita natin sa kanila, ang gobyerno, kasama nila parati,” dagdag pa nito.