Pinaiimbestigahan na ni Finance Sec. Carlos Dominguez ang isang kontrata ng pamahalaan na pinaghihinalaang pabor lang sa interes ng pribadong sektor.
Hindi man pinangalanan ng kalihim kung anong kompanya ang sangkot sa kwestyonableng deal, inamin naman nito na may ni-rentahang property ang private firm mula sa isang financial institution.
Pangako raw sana nito na magtayo ng isang gusali sa naturang property, pero bigla umanong bumaba ang bayad sa renta nang i-renew ang kontrata.
“I’m having my staff go through all the contracts,” ani Dominguez nang dumalo sa programa ng Foreign Correspondents Association of the Philippines.
Kung maaalala, ibinulgar ni Dominguez noon ang mababang bayad sa renta ng Chevron Philippines sa isang government property sa Batangas.
May mga kontrata rin daw ang gobyerno sa Maynilad Water Services Inc, Manila Water at Ayala Land na ipinasisilip sa mga otoridad.